Arts Music Culture

Tinumbang Preso

Ibinato ni Mon ang kanyang tsinelas. Hindi siya kumukurap habang hinihintay ang susunod na mangyayari. Pigil ang kanyang hininga.

Walang iisang paliwanag sa pinagmulan ng larong Tumbang Preso. Pero ayon sa mga haka-haka, nakaugat sa mismong takbo ng laro ang naging bansag dito. Tumba dahil iyon ang layunin ng mga manlalaro (maliban sa taya) — ang patumbahin ang lata. At para naman sa taya, ang panatilihin ito sa loob ng isang iginuhit na bilog na tila isang bilanggo o preso.

Sa kauna-unahang pagkakataon, tinamaan ni Mon ang kanina pa niyang inaasinta. Nagtakbuhan na rin sila Lira, Boyet, Ces, Dindo, at ang tayang si Junior. Pawisan silang nag-unahan, kasabay ang malayang paghalakhak. Mabilis si Junior. Naitayo niya kaagad ang lata at naibalik sa bilog. Kumaripas naman si Mon upang bawiin ang kanyang pamato na ngayo’y nasa teritoryo na ni Junior. Gumasgas ang balat ng kanyang daliri sa kalsada nang hablutin niya ang pigtal nang tsinelas. Humihingal siyang tumakbo pabalik sa kabilang kampo nang tapikin siya ni Junior sa balikat, “taya”!

Isa ito sa madalas laruin ng mga bata noong hindi pa sila nagkukulong sa kani-kanilang kwarto o sa iba’t ibang computer shop. Sa larong ito, walang kampihan at pwedeng maglaro kahit ilan. Hindi rin mahirap ihanda ang larong ito, basta’t may tsinelas at lata (lata ng sardinas o gatas) pwede na. Una, itatayo ang lata sa gitna ng bilog na guhit. Tungkulin ng taya (na napili sa pamamagitan ng paghahagis ng pamato sa linya) na protektahan ang lata sa bawat pagtira ng kalaban upang huwag itong matumba. Habang nakatayo ang lata ay maaaring manghuli ang taya na papalit sa pwesto niya.

Humilera na muli ang mga manlalaro sa likod ng linya. Sa hudyat ni Mon na siyang bagong taya, nagsimula ang sumunod na round. Gustong makabawi ni Mon. Hinataw ni Ces ang lata. Nagkagulo ang mga maliliksing katawan na labu-labo ang pagtili at magkandapatid-patid sa sari-sariling mga binti. Hindi maabot ni Ces ang kanyang tsinelas. Masyado itong malayo, matataya siya ni Mon. Sinagip siya ng mga kasama sa pamamagitan ng pagtumba muli sa latang katatayo pa lamang.

Ngunit ang kagandahan at kasiyahang taglay ng larong ito ay hindi matatamasa, ni hindi man lang masisimulan kung wala ang isa pang elemento—isang malayang espasyo. Kailangan ng isang lugar kung saan makakatakbo ang mga manlalaro na may malawak na espasyo sa pagitan ng taya at lata. Ang garahe, kalsada o bakanteng lote ang mainam na halimbawa ng mga ito.

Pinulot muli ni Mon ang lata atsaka ibinilanggo. Sa pag-angat ng kanyang ulo, nakabalik na si Ces sa kabilang dako, tumatalon at tumatawa. Si Mon na naman ang taya. Napikon siya at umalis.

Sa pagkipot ng mga lansangan at paglaho ng mga bakanteng lote dahil sa pagsulpot ng sari-saring gusali at establisyemento, tuluyan nang napikon ang larong Tumbang Preso at nilisan ang kalungsuran. Sa pagsukal ng mga kalsada dahil sa pagsikip ng daloy ng trapiko at sa pagkalat-kumpol ng apartment complexes o condominium units dulot ng patuloy na pagdagsa ng tao sa lungsod, tuluyan nang nabura ang pribelehiyo ng paboritong laro ng maraming kabataan noong nagdaang mga henerasyon.

Ibinato ni Mon ang kanyang tsinelas. Walang kurap siyang naghintay sa susunod na mangyayari, pigil ang hininga. Tumama ito sa kawalan. Hindi na siya makakabawi pa. Hindi bale, ikukwento na lamang niya sa kanyang magiging mga anak kung paano siya naging balagong sa larong Tumbang Preso.~

Photo credit: http://9mm-zine.blogspot.com/2010/05/laro.html

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s