Literary

Sa Pagsulat

I. Paano?

Kung ang pagsusulat ay may kabayarang katumbas,
paano magbabayad ang dukha’t salat?
Ngunit sa isang banda, ito’y isa lamang katas,
mula sa dakila’s tapat na pagsusulat.

Kung ganoon, may sukli pa ang mga akdang mula sa puso,
pagka’t mula rito mauulinigan ang sigaw na naninibugho.
Ano ngayon ang nagbigay ng pahintulot sumulat ang kahit na sino?
ang kalayaang buhat noong ang pagkatao’y nabuo.

Kung may dakilang layunin at matapat na pagbabahagi,
patuloy mong gamitin ang mga salita sa pagsisilbi.
‘yan ang hawak mong katibayang magsasabi,
na ika’y may karapatang magsulat muli’t muli.

II. Kanino?

Ang pag-aalay ng isang akda ay hindi idinidikta;
ito’y hindi parang matematikang kinukwenta.
Ang paghahandog ay natural at may pagkukusa;
masasabing isang prosesong likas at hindi panukala.

Sa umpisa, sinasaid ang bawat hibla’t butil,
ng pagtugon sa sariling danas at damdamin.
Ito’y tila pagharap sa isang salamin;
kung saan kinikilala at kinikilatis ang nakatingin.

Paano pupunan ang kakulangan ng kapwa,
kung ang sarili’y nanghihingi pa?
At kapag sa mga katha’y naibsan na ang pangungulila,
bakit hindi naman pagtuunan ang interes ng iba?

III. Bakit?

Hihinto na ako sa pagsusulat kung wala ng dahilan,
upang ipagpatuloy ang gawaing pinangangalagaan:
kung wala nang mga salita at titik na tutupad sa kaganapan,
kapag ubos na ang mga silabika’t katagang iniingatan.

Titigil na ako sa paglilingkod kung ang init ay nanumbalik,
at nabuwag na ang kalamigang dulot ng panlulupig:
kapag natapos na ang kalugkutan, pagdurusa’t pang-aaping pilit,
at kung ang mundo’y payapa na at sa Diyos nananalig.

Kaya hangga’t mayroon pang titik at salita,
at mga natatanging silabika’t kataga,
may dahilan ako para sumulat pa:
ang ipaglaban ang ‘di pa natatamasa.

IV. Kailan?

Lahat ng bagay na winika at ikinilos natin,
ay mag-iiwan ng bakas saan man ang ating tunguhin.
Ang katuturan ay ang bigat—‘yan ang aalamin:
Ang akda bang ito ay may pakinabang o tungkulin?

Hindi man natin nalalaman ang hinaharap,
malaki ang saysay ng ating mga isinulat.
Magsisilbi itong higit sa alaala at pangarap:
kakatawan sa ating pagkatao na siyang tatatak.

Hindi lang ang pagkabuhay ang maiiwan,
kundi ang mensahe at pilosopiyang nagisnan.
Ang bawat ideya, maliit man o malaki ay hindi lilisan,
sa diwa ng mga nakabasa, mananatili kailanman.~

Featured photo: Google Images

Advertisements

2 thoughts on “Sa Pagsulat

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s